Ang 'veerus' na ito
Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo ng Covid - 19 sa ating bansa.
Ang bilang ng mga namamatay ay patuloy na nadadagdagan.
Ang bilang ng mga nakaka-recover nadagdagan din, subali't hindi kasing dami ng bilang ng mga nasasawi.
Tanong ng marami kailan kaya malulusaw ang 'veerus' na ito?
"Man-made" nga ba ito o a isang naturalesa na nangyayari lamang sa isang panahon?
Hindi tuloy maiwasang magtanong. Sinadya nga ba ang salot na ito? Dahil ba sa katakawan ng tao ang 'veerus ' na ito o dumidepensa lang ang mundo laban sa katakawan na rin tao?
https://asiatimes.com/2020/02/covid-19-may-be-man-made-claims-taiwan-scholar/
Dahil sa " social media " hindi naging mahirap sa mga tao ang magusap kahit na naka-lockdown sa sariling mga bahay.
Kahit nasa 'social distancing', tuloy pa rin ang pagpapalitan ng mga haka-haka at kuro- kuro.
Nariyan ang mga matalinong pagpapaliwanag sa kanilang mga sariling ' platform.' Upang maiwasang mahawa o makakuha ng sakit, ang mga opisyal ng gobyerno at iba mga 'frontliner' idinaan sa 'virtual presser' ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko .
Dahil sa teknolohiya at internet, ang mga impormasyon na kailangan ng publiko ay naipapaabot ng gobyerno sa pamamagitan ng 'virtual press conference.'
Nawala ang ' personal touch.' Ang eye to eye contact ay nawala rin.
Kung meron mang nagaganap na 'handshake' ito'y totoo lamang sa termino o 'lingo' ng mga taga telebisyon at radyo. Magkukumustahan ang dalawang 'anchor' ng patapos at magsisimula pa lamang na programang pangtelebisyon o radyo.
Ang 'abnormal' noon ay nagiging 'normal' ngayon.
Ang beso-beso ay bawal na. Ngayon, ang tango at yukod ay uubra na.
Noon normal lang ang umubo, tanggap ito ng publiko, subali't ngayon 'nungca', mas gugustuhin pa ng mga tao na maka-amoy ng mabahong utot, kaysa makaranig, kahit pigil na pag-ubo.
Ito ang bagong normal ngayon.
Dahil naka-lockdwon, maraming Filipino ang malimit hawak ang cellphone. At dahil walang magawa, kung anu-anong 'site' ang nabibisita. Ang ilan nabibiktima ng mga 'fake news.' Dahil naengganyo sa nabasang 'post,' hindi namalayan naipasa sa iba... ang 'fake news' na nabasa.
Ang 'veerus' na ito ay magtatagal pa. Ayon sa mga eksperto, isa o higit pa sa isang taon bago makakalikha ng bakuna.
Ang tanging panglaban lang ngayon ng mga hindi pa nahahawaan ng Covid-19 ay siguraduhing malakas ang 'immunity' ng katawan. Palagiang maghugas ng kamay at kung lalabas ng bahay, magsuot ng 'facemask' .
At kahit pawalang bisa na ang lockdown, o ang 'enhanced community quarantine' ang social distancing' ay mananatili.
Sinira ng 'veerus' na ito ang isang magandang ugali ng mga Filipino. Ang pagiging bukas ang pinto sa lahat ng tao, kahit hindi kaano-ano.
Dahil sa Covid -19, naging marupok ang ilang Filipino. Naging malupit at hindi makatao. Dahil sa 'veerus' na ito, nawawala ang pagiging matiwalain ng mga Filipino. Isinara ang pinto, nandiri sa kapwa tao kahit sa hinala pa lamang at hindi pa nagpopositibo.
Sino ba ang may gusto ng 'veerus ' na ito? Wala, ngunit narito sa mundo.
Comments