LEGALIDAD SA PAGTATALAGA KAY LOTILLA: MERON BANG CONFLICT OF INTEREST?
Dateline Kamuning
Sa gitna ng umiiral na
krisis sa enerhiya, ibayo at metikulosong pagsusuri ang kailangan ni Pangulong
Ferdinand Marcos Jr. sa pagtatalaga ng Energy Secretary.
Nakasaad kasi sa Section 8
ng Republic Act 7638 (ang batas na lumikha ng Department of Energy) na hindi
pwedeng italaga ang sinumang konektado sa isang private energy firm sa
nakalipas na dalawang taon – kesehodang corporate official, auditor, accountant
o legal counsel.
Yan mismo ang problemang
bumabalot sa nominasyon bilang Energy Secretary ni Atty. Raphael Lotilla –
bagay na inamin naman ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles.
Ang totoo, hindi naman
kontrobersyal si Lotilla. Katunayan, “low-profile” siya ayon sa mga kapwa ko
peryodista. Ang siste, nananatiling board member pa rin pala ng Aboitiz Power
ang nais italaga ng Pangulo.
At heto pa, hindi lang
pala siya sa isang energy company konektado. Pasok rin siyang board director ng
isa pang pribadong kumpanyang nagnenegosyo ng enerhiya – ang ENEXOR.
“No officer, external
auditor, accountant or legal counsel of any private company or enterprise
primarily engaged in the energy industry shall be eligible for appointment as
Secretary within two years from his retirement, resignation or separation
therefrom,” saad sa Section 8 ng RA 7638 (Act Creating the Department of
Energy).
Ito mismo ang
pinag-aaralan nina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at
Solicitor General Menardo Guevarra. Anila, kailangan ng masinsinang pagsusuri
sa bawat titik ng batas na lumikha ng nasabing departamento.
Bukod sa legalidad,
bubusisiin rin ng dalawang de kampanilyang abogado ang koneksyon ni Lotilla sa
Aboitiz Power at ENEXOR.
Sa pinakahuling
impormasyon mula sa Justice Department, “wala raw magiging balakid “ sa
pagkakatalaga kay Lotilla sa Energy
Department at ang pagiging Independent Director nito sa isang energy
company ay hindi dapat maging sagabal.
Walang dudang mahusay si
Lotilla. Bakit kamo? Isa siyang abogado, bukod pa sa nagsilbi na rin siyang
Energy Secretary taong 2005 hanggang 2007 sa ilalim ng administrasyon ni former
President Gloria Macapagal Arroyo.
Hindi ako eksperto, kaya naman baka mali lang ang intindi ko. Sa aking abang pananaw, kalakaran sa energy industry ang pagkuha ng mga nagretirong opisyal ng DOE para isulong ang imahe ng isang power company.
Sa artikulong sinulat sa
Inquirer nito lamang nakalipas na taon ng tanyag na financial advisor na si Ma.
Aurora “Boots” D. Geotina-Garcia ng MAGEO Consulting Inc., pinaliwanag niya
kung ano ang Independent Directors.
“An Independent Director
is a person who, apart from shareholdings and fees received from the
corporation, is an independent of management and free from any business or
other relationship. They can provide chairpersons and chief executives with
counsel and advice—and a different perspective—on matters of concern.”
Karaniwang din ginagamit
ang isang dating DOE official para isulong ang kanilang interes sa
departamentong may saklaw sa kanilang negosyo. Sa kaso ni Lotilla na tatlong
taong naging DOE Secretary, hindi mahirap sa isang energy company na kumonekta
sa mga tamang tao sa hangaring isulong ang negosyo.
Dapat ang malagay sa DOE
ay personalidad na hindi makukukwestiyon ang kanyang pamumuno at walang anumang
bahid na pagdududa ang taong bayan.
Comments