Ang daming boses

Ano kaya ang sinasabi ng gobyerno ng mga bansang may 'claim' sa mga pinagtatalunang isla sa West Philippine Sea sa bangayan ng ating mga opisyal na humantong sa hamunan ng debate?
 
Marahil pinagtatawanan tayo.
 
Saan ka naman nakakita, ang ating mga opisyal na mga aral at napakaraming titulo sa pagiging dalubhasa ay parang mga bata na nagbabangayan, nagtatalo at naghahamunan. Kapag may kumasa, laban-bawi. Ano ba yan.
 
Hindi ba pwedeng magkaroon na lamang ng iisang boses pagdating sa kapakanan ng bayan, tulad sa West Philippine Sea (WPs)?
 
0000

Ano ba ang mahalaga ngayon sa mga Filipino?
 
Una, mabakunahan para makatawid laban sa Covid-19. 
 
Nais ng nakararami na maibalik ang dating sigla ng kanilang buhay. Walang agam-agam na mahahawa o makahawa ng virus. 
 
Ang kalaban ay nasa loob. Nasa pintuan ng bawat Filipino. 
Asikasuhin muna ang pangloob na problema. Palakasin ang depensa sa bakuran laban sa Covid, magkaroon ng bakuna ang lahat.
 
Marami na ang walang makain at makikita yan sa pila ng mga tao sa nagsulputang 'community pantry.'
 
Kung pupunta ka sa palengke, ang P100 piso  ay halos wala ng mabili. Marahil sa halagang ito, kakayanin ang kapirasong karne, 1/4 kilo ng bigas, ang butal para sa gulay at sahog.
 
Ito'y sa pagkain pa lamang. Hindi pa kasama ang mga gastusin sa tubig, kuryente , upa sa bahay at iba pang bayarin.
 
Ito ay nangyayari sa maraming nawalan ng trabaho dahil sa pandemiya. 

0000
 
Ang bangayan ng ating mga opisyal ng bayan sa isyu ng West Philippine Sea ay hindi nakakatulong sa ngayon. Malamang magdulot pa ng panganib. 
 
Kapag nagkagulo, ang labanan ba ang mangyayari sa pinagtatalunang karagatan o aabot pa ito sa kalupaan - Luzon, Visayas at Mindanao? 
 
Okay lang kung sa karagatan, mga barkong pangdigma lamang ng mga naglalabanang pwersa ang lulubog. Pero kung ito'y magaganap sa kalupaan, malaking pinsala ito sa mga nakararaming Filipino na gusto lamang ng mamuhay ng payapa.
 
Dahil sa kahibangan ng mga aral na opisyal ng bayan, ipinapain ang 'kapayapaan at katatagan' ng bayan. Kapag nagkagulo, unang pang tatalilis palabas ng bansa at yan ay napatunayan na ng kasaysayan.

0000


Comments

Popular posts from this blog

Modern day slavery

Ang hirap maging mahirap

PBBM TO GOV’T AGENCIES: IMPLEMENT WATER CONSERVATION MEASURES