GLOBAL FOOD CRISIS HAHARAPIN NG BBM ADMIN

 Dateline Kamuning


Isa sa mga unang hamong kakaharapin ng administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang nakaambang krisis sa pagkain, at gaya ng kanyang ipinangako sa kampanya, sa kanyang pag-upo, magiging prayoridad ang sektor ng agrikultura, ayon kay Press Secretary-designate Atty. Trixie Cruz-Angeles.

Ayon sa World Bank, World Trade Organization (WTO), at June-September 2022 Hunger Hotspots outlook ng United Nations Food and Agriculture Organization (FAO) at World Food Programme (WFP), patong patong na krisis ang sanhi ng pinangangambahang kakulangan sa pagkain sa parating na mga buwan.

Paliwanag ni Angeles, “Ang patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic, pa-iiba-ibang panahon, krisis sa ekonomiya, armadong sigalot, pagsipa ng presyo ng langis at enerhiya, pambansang utang, at mga suliranin sa pandaigdigang supply chain dulot ng gyera sa Ukraine ay ang mga nakikitang dahilan kung bakit magkakaproblema sa suplay ng pagkain.” 



Batay anya sa ulat ng mga nabanggit na institusyon at organisasyon, kasama dito ang organisadong karahasan sa ilang panig ng mundo, bagyo, pagbaha at tagtuyot, pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo at enerhiya, at mga pangmatagalang epekto ng gyera sa Ukraine.

Mula nang sumiklab ang sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia, natigil ang shipment ng mga produkto mula sa mga pwerto ng Ukraine sa Black Sea, at bumaba ang bilang ng export shipments ng Russian Federation.

Ayon sa FAO at WFP hunger hotspots outlook, dahil sa gyera at kakulangan ng farm inputs, apektado ang produksyon ng agricultural products at food processing sa Ukraine, na nagdulot din ng epekto sa pandaigdigang suplay ng pagkain.

Sumipa rin ang presyo ng fertilizer na lalo pang pinalala ng pangamba sa merkado. 28-percent ng abono na gawa sa nitrogen at phosporus ay mula sa Russia at Ukraine.

Giit ni Angeles, sa nagdaang kaparehong krisis sa pagkain gaya noong 2007-2008, may mga bansang mapipilitang magsuspinde ng export ng kanilang produkto upang matiyak ang sarili nilang suplay ng pagkain at agapan ang pagtaas ng domestic prices sa gitna ng pagsipa ng world prices.

“Magiging hamon para sa atin ang export restrictions, lalo’t sa ngayon nag-aangkat pa rin tayo ng pagkain, kabilang ang bigas. Gaya ng nasabi na ni President-elect Marcos, mangangailangan yan ng agarang tugon, at dapat agaran ding simulan ang pangmatagalang mga solusyon,” paliwanag ni Angeles.

Noong panahon ng kampanya, binigyang diin ni Marcos ang kahalagahan ng malinaw na plano para sa seguridad sa pagkain, at kalauna’y “food sovereignty” — ang pagbabalik ng kontrol sa kamay ng komunidad at mga mamamayan; direktang pakikipag-usap at transaksyon ng mga magsasaka sa mga mamimili at paglilimita sa mga tao sa value chain; pagpapatupad ng subsidy; paglilimita sa importasyon; paggamit ng makabagong teknolohiya; at pagbibigay ng insentibo sa research at development.

Noong Abril, iginiit ni Marcos na sa kabila ng pagsusumikap na mas pagtibayin ang agriculture sektor, posible pa ring maharap sa “intervening factors” na wala na sa kontrol ng pamahalaan, gaya ng taas-presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at sigalot sa pagitan ng mga bansa o teritoryo.

Muli na namang sumipa ang presyo ng langis ngayong Hunyo dala ng pagtaas ng demand sa mga bansa sa North America, hilagang bahagi ng South America, Europa, at ilang bahagi ng Africa at Asya, at patuloy na ban ng European Union sa langis mula Russia. 


Sa kabila ng hindi kontroladong “intervening factors,” nangako si Marcos na pursigido ang kanyang administrasyon na makamit ang mithiin para sa “food security” at “food sovereignty.”

Comments

Popular posts from this blog

Modern day slavery

Ang hirap maging mahirap

PBBM TO GOV’T AGENCIES: IMPLEMENT WATER CONSERVATION MEASURES