Metro Manila nasa 'strict security measures' - NRCPO
Dateline Kamuning
Hinigpitan ang
seguridad sa loob ng Metro Manila matapos ang insidente ng mga pagsabog sa
Mindanao, ayon sa hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay Police Maj.
Gen. Felipe Natividad, Director ng National Capital Region Police Office
(NCRPO) iniutos niya ang mahigpit na pagpapatupad ng ‘security measures at
pagpapataas ng police visibility’ sa buong NCR kasunod ng pambobomba ng bus sa
Koronadal, South Cotabato at isa pang pagsabog sa bus terminal sa Tacurong,
Sultan Kudarat.
Nagkaroon din ng
kambal na pagsabog sa Isabela City sa Basilan kahapon ng Lunes.
Nauna nang sinabi ni
Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr.
na tinitingnan ng mga imbestigador ang anggulong pangingikil bilang posibleng
motibo sa pag-target sa bus liner.
Samantala, nanawagan
si Natividad sa publiko na maging mapagmatyag at agad ipagbigay alam sa mga
otoridad lalo na sa mga pulis ang anumang mga kahinahinalang grupo sa kanilang
mga lugar.
“Lahat ng mga aksyon
ng terorismo laban sa mga tao ng anumang relihiyon, lahi o paniniwala, ay mga
krimen laban sa sangkatauhan. At palaging banta sa seguridad ng anumang bansa,”
giit ng heneral.
Ang publiko ay
maaaring mag-ulat ng mga insidente o tip sa pamamagitan ng pag-text sa kanilang
Text Hotline Numbers 0999-901-8181 at 0915-888-8181.
Comments