Desisyon ng taong-bayan
Dateline Kamuning
Nagsalita na ang taong bayan sa pamamagitan ng balota.
Sa mga nagwagi, congratulations and good luck. Huwag nyong kalimutan ang inyong pangako.
Nangako kayo na maglilingkod ng tapat at ng buong katapatan.
Yan din ang inyong sasabihin sa inyong panunumpa sa pagsisimula ng inyong opisyal na panunungkulan.
Halal kayo ng taong-bayan.
Ang aking paalala, huwag maging balat- sibuyas, sa mga pagpuna ng inyong mga nasasakupan. Mayroon kayong naipangako noong kayo ay nangliligaw ng boto. Huwag nyong sasabihin nakalimot kayo.
Kung sabagay sabi ng ng biro: nangako na nga ako sa inyo, gusto nyo pang tuparin ko ito.... aba ay dapat lang ho.
Nawa ang mga ilalagay nyo sa pwesto bilang katuwang ay talagang makakatulong sa inyo at hindi maging dahilan upang malayo kayo inyong mga kababayan.
Kalimitan ang nanalong pulitiko, kapag nakaupo na sa pwesto ay kay hirap ng mahagilap. Ang dami ng mga dahilan, keso ... naipit sa mahabang pulong ng mga investor sa bayan o kaya naman ay may "VIP" na bisita kaya ang kanyang mga kababayan na dapat pagsilbihan ay ayos lang maghintay.
At para naman masabi ng kanyang mga kababayan na siya ay 24/7 na lingkod-bayan, nagtalaga ito ng mga kinatawan o liason na siyang magiging tulay sa kanyang pinaglilingkuran, subali't kadalasan ito ang dahilan ng pagkakaroon ng palakasan o kaya naman ng tinatawag na 'cordon sanitaire.'
Sana napatid na ang ganitong 'style' ng panunungkulan.
Samantala, proklamasyon na lamang ang hinihintay at may susunod ng pangulo at ikalawang pangulo ang bansa.
Hindi pa man nagaganap, hitik na ang usapan sa kung sino ang mga bubuo ng gabinete ng pagdating ng unang araw ng Hulyo ng taong 2022.
Ang mga taong-nagsasabing kabilang sa makinarya ng kampanya, nanlalaki ang ang mata, tila-tulo laway habang ini-imagine ang pwesto na kanilang pinupuntirya.
Ito ang dapat pagkakaingatan, dahil mapupunta rin sa wala kung anuman ang ipinaglalaban sa una.
Comments