EO 26, Anyare?


Sa mga unang araw lang yata nagsipag ang mga otoridad sa pagpapatupad “anti-smoking law “ sa buong bansa.

Sa unang araw, sa Metro Manila, iniulat ng MMDA na isang daan at animnapu’t tatlong (163) katao ang nahuling humihithit ng sigarilyo sa publikong lugar.

Ayon sa mga ‘environment enforcer’ ng MMDA, ang mga nahuli, palibhasa ‘first offense” pa lamang, ay tinikitan at pinagmulta ng limang daang piso (P500.00).

Matapos lumabas sa mga pahayagan at nabalita sa ‘broadcast’ sa radyo at telebisyon, tahimik na ang tabakuan.

Ang dami pa ring naninigarilyo sa kalsada.

Ang EO 26 ay nag-aatas sa lahat ng lokal na pamahalaan, Luzon Visayas at Mindanao na bumuo ng “smoke free environment” at mga tinatawag na “enclosed places.”

Ayon sa EO 26, ang ‘enclosed places’ ay mga hospital, paaralan, terminal ng bus at mga pampublikong sasakyan, mga tanggapan- kapwa publiko at pribadong opisina. Mga palaruan , sinehan, restoran, mga mall at iba pang matataong lugar.

Inatasan ng Presidente ang mga pulis na ipatupad ang lahat ng probisyon ng EO 26.  Pinaaresto at pinasasampahan ng kaso ang mga mahuhuling lalabag sa batas, Ang siste, sa unang araw lang pala.
0000
Noong nakaraang Biyernes, Ika-13 ng Oktubre, kasama ang aking bunso, nagpunta kami sa Caloocan City Hall of Justice.

Sa ‘hallway’ habang naghihintay na magbukas ang Caloocan City RTC Branch 123, isang lalaki ang nagsindi ng sigarilyo, at nagmamalaking ibinuga ang usok mula sa kanyang bunganga.
Nakita ito ni bunso sabay tanong, Dad, di ba bawal magsigarilyo sa loob ng building na maraming tao?

Hindi ako agad nakasagot. Ilang segundo akong nablangko, nangapa ako ng itutugon, dahil ako man ay nabigla.

Maraming tao sa mga oras na iyon, may mga buntis, may lola, nanay na may kasamang bata, at iba pa - marahil ay may mga ‘health condition’ din.
Ramdam kong nagpo-protesta sila, naamoy nila ang mabahong usok mula sa sigarilyo, pinili nilang maging tikom ang bibig - para iwas gulo, iwas basag ulo.

Pwede kong palampasin ang sitwasyon at ‘dedmahin’ ang kinikimkim ng mga tao sa oras na iyon, pero ang tanong ni bunso ay hindi. Ayaw kong mapahiya sa kanya.

Lakas-loob kong sinita ang naninigarilyo.

Malumanay kong sinabi na ang Caloocan City Hall of Justice ay isang pampublikong lugar at ang paninigarilyo ay ipinagbabawal.

Nagkatinginan kami. Hindi siya umimik, nagkubli sa isang sulok at ipinagpatuloy ang paghithit at pagbuga ng nakalalasong usok mula sa sigarilyo.

Habang nakaupo na kami ni bunso sa loob ng Branch 123 biglang pumasok ang mamang nanigarilyo, may kinausap at hindi ko na nakita.

0000
Hindi yata siniseryoso ng mga lokal na pamahalaan ang EO 26, dahil sa Caloocan City Hall Of Justice, noong nakaraang Biyernes, kita ng aking dalawang mata sa loob at labas mismo ng gusali lantaran, ang mga naninigarilyo.

Nalungkot ako dahil may mga pulis at naka-uniporme pa , na inatasan ni PDU30 na ipatupad ang itinatakda ng EO 26, ay kasama sa mga lumabag.
Nakikita ito ng taong bayan, papaano natin sila mapapasunod sa batas, kung ang mga naatasang magpatupad ang siya mismong lumalabag?
Hindi magandang tanawin ito sa mga kabataan.

Mula sa murang kaisipan, hinubog ng mga magulang ang kanilang mga  anak na sumunod sa batas.

Ang paaralan ay tinuruan ang mga bata na sundin ang batas at igalang ang mga otoridad.

Subali’t, sa kanilang paglaki paano lubusang maikikintal sa kanilang kaisipan na dapat ang lahat ay sumunod sa batas, kung ang lumalabag mismo ay kabilang sa mga otoridad?

(Published 16 October 2017)



Comments

Popular posts from this blog

Modern day slavery

Ang hirap maging mahirap

PBBM TO GOV’T AGENCIES: IMPLEMENT WATER CONSERVATION MEASURES