Mabuti pa si PDU30, humingi ng paumanhin.
Binuksan ng Malacanang ang pintuan para sa ikatlong player sa industriya ng telekomunikasyon.
Partikular na binuksan ni PDU30 ang pintuan sa bansang China.
Layong buwagin ang tinatawag na ‘duopoly,’ na ang nakikinabang lamang ay ang ‘Smart at Globe Company.
Sana hindi ito matulad sa industriya ng langis na nagkaroon ng ‘cartel’ sabay na nagbaba at nagtataas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo.
May ‘petmalu’ na tagapagtanggol ang Department of Transportation. Ito’y sa katauhan ni PDU30.
Sa mga aberyang naganap sa MRT-3 -sa panahon ng administrasyong Duterte- wala tayong narinig na katagang “I’m sorry” mula sa mga opisyal ng DOTR.
Bagkus palusot at sisi sa mga nagdaang administrasyon ang namutawi sa mga bibig ng mga ito.
Mabuti pa ang Pangulong Duterte, humingi ng paumanhin sa publiko.
0000
Kumurap ba ang Simbahang Katoliko sa pakikitungo sa administrasyong Duterte?
Tanong ito ng mga tumututok sa relasyon ng Simbahan at ni PDU30 na talaga namang napaka-asim.
Simula sa Ika-1 ng Disyembre pormal na uupo bilang Presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines si Davao Archbishop Romulo Valles.
Si Bishop Valles ay malapit na malapit kay Pangulong Digong.
Pinalitan ni Bishop Valles bilang CBCP President si Dagupan Archbishop Socrates Villegas, na matinding kritiko ng administrasyon.
0000
Hindi maiiwasang pagdudahan ang motibo ng mga opisyal ng gobyerno na may ambisyon sa 2019 elections.
Kahit pa sabihing trabaho lang ang kanilang ginagawa, laging papasok ang isyu na ‘ in aid of election’ ang kanilang diskarte.
Walang masama na pumorma sila sa lahat ng eleksiyon, lokal man o nasyonal, basta personal na pera ang kanilang gagastusin at gagamitin.
Ang malungkot nga lang, indirektang nagagamit ng pulitikong-opisyal na tatakbo, ang pondo ng bayan, at ito’y karumaldumal.
0000
Magpapanting na naman ang tenga ni PDU30 sa balitang ikinulong at pinahirapan ng mga sundalo ang mga sibilyan na tumatakas palabas ng Marawi sa panahon ng limang buwan na bakbakan sa lungsod.
Ayon sa Amnesty International, dapat imbestigahan ng gobyerno ang insidente ng mga paglabag, bagay na itinanggi naman ng Armed Forces of the Philippines.
Published 22 November 2017
30
Comments