Pakialamerong Kano


Hindi naitago ang tahasang pakikialam ng Estados Unidos sa isang malayang bansa tulad ng Pilipinas. Ang planong pagbili ng armas mula sa Rusya para sa Armed Forces of the Philippines ay pinanghimasukan ni Uncle Sam.

Ang pakikipagtulungang-militar ng Manila sa Moscow ay hindi raw makakatulong sa magandang relasyon mayroon ang Pilipinas at Amerika na pinanday ng mahigit isang siglong pagtutulungan. Kay sarap pakinggan.

Ayon kay Randhall Schriver, US Defense Assistant Secretary for Asian and Pacific Security Affairs, ang plano ng Pilipinas na bumili ng ‘submarine’ sa mga Ruso ay hindi maganda para sa pangkalahatang relasyon ng Manila at Washington.

000

Si Uncle Sam talaga, pine-pressure ang gobyerno ng Pilipinas para hindi matuloy ang paghahanap ng armas para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines. Isinangkalan pa ang ‘relasyon’ ng dalawang bansa, na puro pabor lamang sa Washington.

Isang lang ang gustong patunayan ng pahayag na ito ni Schriver, ang Amerika ay nanatiling nagiisang pwersa sa buong daigdig, kaya’t nakikialam sa pagbili ng arms ng Pilipinas sa ibang bansa.

0000

Patindi ng patindi ang ‘pressure’ na ginagawa ng Pentagon sa pagdating sa ‘arms purchase’ ng Pilipinas sa Rusya. Bago ang pahayag na ito ni Schriver, una nang lumutang ang banta ng US State Department na papatawan ng ‘sanction’ ang anumang bansa na makikipagtransaksiyon sa mga kompanyang Ruso na may kinalaman sa armas.

Dahil hindi natinag ang administrasyong Duterte sa babala ng US State Department pinapunta sa Pilipinas si Schriver para personal na ipaabot kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagtutol ng Pentagon.

Mapigil lamang ang pagbili ng armas mula sa Rusya, nagsentimiyento si Schriver iginiit ang malalim na pagkakaibigan ng mga Pilipino at Amerikano. Imbis na mapigil, hayun nasa Moscow ngayon si Lorenzana, kasama ang ilang mga Heneral para makita ang mga ‘military hardware’ ng mga Ruso.

Bakit ng bumili ang India,Vietnam at Indonesia ng ‘submarine’ sa Rusya hindi nag-ingay ang Pentagon o ang US State Department? Pero ang Pilipinas nagpa-plano pa lang, ginugulo na ni Uncle Sam.

0000

Walang karapatan Estados Unidos na pigilan ang pagbili ng mga kailangang gamit para sa mga sundalong Pilipino. Huwag sanang isumbat ng mga Kano ang mga ibinigay na dalawang patapon ng ‘Coast Guard Cutters’ na ngayon ay ginagamit ng Philippine Navy.

Ibinigay ang dalawang ‘cutter’ na hindi libre. Nakinabang pa ang mga Amerikano. Imbis na tunawin na lamang sa ‘junkyard’ ang dalawang ‘coast guard cutter’ inialok sa mga Pilipino. Ang malungkot, naningil pa para sa tinatawag na ‘upgrade’ at ‘weapons systems.” Ganyan ang pagtingin ng gobyernong Amerikano sa mga Pilipino.

Ngayong may pagkakataon ang Pilipinas na makabili ng armas na ‘brand news ‘ at hindi mga pinaglumaan, hinahadlangan ng mga Amerikano.


22 August 2018

Comments

Popular posts from this blog

Modern day slavery

Ang hirap maging mahirap

PBBM TO GOV’T AGENCIES: IMPLEMENT WATER CONSERVATION MEASURES