Wala sa hulog na prinsipyo.

Aminin man o hindi, ang panahon ng pamumulitika sa bansa ay nagsimula na. Kung sabagay, sa mga pulitiko ang pulitika ang kanilang almusal, tanghalian at hapunan.

Kahit ano pa ang sabihin, walang matatag na partido pulitikal sa bansa. Ang kilala lamang at gustong samahan ng mga pulitiko ay ang partido kung nasaan ang kasalukuyang nakaupo sa Malacanang.

Sa kasalukuyan na ang PDU30 ang nasa Palasyo ang lahat ay gustong maging PDP Laban. Pero noong panahon ng kampanyahan para sa 2016 Presidential elections nasaan ang mga pulitikong ito?

Sa nangyaring “kudeta” sa Kamara noong ikatlong SONA ni PDu30 ang PDP-Laban ay niyanig ‘leadership change.’  Si Pantaleon Alvarez na Secretary General ng PDP Laban ay mapapalitan na dahil wala na itong pangil at kapangyarihan.

Ang reyna ngayon sa Kamara at tinitingala  ay si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Mula sa partido Lakas ngayon ay PDP-Laban na.

0000

“Politics of convenience” ang kalakalan pa rin sa buong bansa. Kung sino ang naghaharing uri, kung sino ang nasa Palasyo- kahit pa ‘palalo,’  kayang- kaya ng mga pulitiko na maging hunyango.

Tignan na lamang ang ang labanan ng pwesto sa Kamara, ang mga pangangatwiran ng mga pulitikong sakim sa kapangyarihan ay hindi maitago.
Ipinaggigiitan ang sarili kahit  wala sa hulog ang prinsipyo.

0000

Ano ba ang mayroon sa mga pwestong pinag-aagawan ng mga ‘maginoong pulitiko?’

Pera ba? Mayayaman naman sila. Ang pinakahuling SALN ng mga mambabatas ang magpapatunay na lahat ng miyembro ng Kamara ay milyonaryo kung hindi man ay bilyonaryo. Kung mayroong mang ‘pobre’ ay kwestiyonable pa ito.

Kapangyarihan ba? Hari na sila sa kanilang lugar o distrito. Kung hindi landlord ay mayroong malalaking negosyo. Tulad sa minahan, pagbabarko at ang pinakamalupit may nasasangkot sa iligal na negosyo tulad ng ‘narco.’

Kasikatan ba? Sikat na sila sa kanilang distrito. Kaya nga ilang araw lamang ang kanilang trabaho sa Kongreso, para ilaan at ibuhos ang buong linggo sa mga kababaryo na nagluklok sa kanila sa pwesto, maliban na lamang kung namili ng boto.

Wala talagang kasiyahan ang mga pulitiko. Makuha lamang ang hangad ng pwesto, itataob ang kaldero kahit may umiiral na proseso.

-30-





Comments

Popular posts from this blog

Modern day slavery

Ang hirap maging mahirap

PBBM TO GOV’T AGENCIES: IMPLEMENT WATER CONSERVATION MEASURES